Thursday, April 26, 2012

Doon po sa damuhan


Misteryoso ang damuhan. May kung anong lihim itong kinukubli na sa bawat pagsayaw ng mahahaba’t maninipis nitong mga dahon, sa mahinhing ihip ng hangin ng tag-araw, tila nagbabadya, nagpapahiwatig ng kagustuhang magsiwalat, magkwento, awitin ang mga panaghoy na minsan nitong narinig, nasaksihan sa paulit-ulit na paglakad ng panahon. Natutuyo, nilulunod ng nakabibinging ulan at namamatay. Saka muling yayabong para hagkan ang nag-aalab na araw, dala-dala ang mga ala-alang larawan ng nakalipas.

Enero 25. Sa isang damuhan sa Barangay Inarawan sa Antipolo, ginahasa at pinaslang ang disis-sais anyos na si Abigail Arguelles. Kwento ng mag-asawang Mario at Pelisa, ilang oras silang naghintay sa tagpuan nila ng kanilang anak sa isang waiting shed. Maghahating-gabi na raw noon. Hindi dumating si Abigail.

“Nung pauwi na kami ng asawa ko galing doon sa kanto, nakita po namin ‘yung sandals ng anak ko. Misis ko ang nakakita kasi binunot niya ‘yung flashlight ng cellphone. Pagbukas niya, nakita namin siya sa tabi ng kalsada. ‘Yung misis ko nag-hysterical.”

Duguan, nakataas ang palda na siyang ginamit na pang-bigti, tadtad ng saksak at may busal ang bibig nang matagpuan ng mismong mga magulang ni Abigail ang kaniyang bangkay.

Nang balikan ang pinanggalingan ng krimen, hindi napigilan ni Mario na mapahagulgol matapos makita ang hindi pa rin nahugasang mga dugo sa damuhan. Nang maglibot sa paligid, bigla na lang nagsisigaw. Nakita pala nito ang I.D. ng anak na puno rin ng dugo. Ilang lakad pa ay ang kwintas naman nito. 

Hindi nag-iisa si Abigail. Sa Zamboanga-Sibugay nito lang Pebrero 13, sa isa ring madamong bahagi malapit lang sa kanilang bahay, hinalay rin ang isang anim na taong gulang na babae na itinago sa pangalang “Jenny.” Ginahasa si “Jenny” sa harap ng kaniyang pitong taong gulang na kapatid na lalaki at isa pang kalaro. Ang suspek, trese anyos lamang.

“Nag-iigib daw siya ng tubig. Sabi niya sa mga bata, sama kayo doon kuha tayo star apple. Sabi niya sa dalawa, hawakan ninyo si “Jenny.” Kung hindi kayo maghawak suntukin ko kayo. Tapos tinanggal na niya panty. Ni-rape na niya,” kwento ni Rosaly Clavejo, ang ina ni “Jenny.”

Ginahasa rin si “Jenny” ng kaniyang kalaro at pilit pang pinagahasa sa pitong taong gulang na kapatid ngunit marahas itong nag-protesta. Dahil menor de edad ang suspek at hindi pwedeng arestuhin, napilitang makipag-ayos si Rosaly sa halagang P500.00. Limandaang pisong kapalit ng winasak na kabataan ng anak.

Hindi na lumalabas ng bahay si “Jenny” matapos ang nangyari. Sa gabi, nag-iiyak sa gitna ng pagtulog at nilalagnat. Sa umaga, nakatanaw sa malayong damuhan. Tinatanaw ang mga nagtatagong maligno’ng minsan ay walang habas na dumaluhong sa kaniya.

Karahasan. Nakapangingilabot na mga kasaysayan. Paanong ang kapayapaan ng luntiang damuhan ay makapagkukubli pala ng mga mapapait na panitikan.

Sa Ilocos, nitong nakalipas na taon, tumayo ako sa isang napakalawak na kaparangang nalalatagan ng masinsing mga damo. Akin daw iyon sabi ng lola at mga tiyuhin ko. Wala na akong ibang naisip na salita para ilarawan ang kagandahan at kapayapaang bumabad sa ‘king mga mata. Nangarap akong mamahinga doon. Na kapag pagod na pagod na ako sa karera ng aking trabaho, kapag punong-puno na ang dibdib ko ng samu’t saring pait ng kabiguan at kataksilan, paparoon ako. Mauupo o hihiga sa panatag na damuhan, pakikinggan ang mga mahinhing awit ng ibon at kulisap hanggang sa dumapo iyong kapayapaan at paglayang kay tagal nang inaasam.

Gayon nga marahil ang naramdaman ng Supremo, ang bayani na si Andres Bonifacio. Sakay ng isang duyan dahil sugatan sa katatapos lamang na engkwentro laban sa mga guardia civil, sinabihan nito ang mga tauhan na mamahinga sandali.

Doon sa damuhan, sa ilalim ng mayayabong na puno ng Katagalugan, kasabay ng pagsipol ng hanging lumulipad na tila 'di makitang saranggola, tahimik na minamasdan ang sumisilip-silip na silahis ng araw sa pagitan ng mga dahon. Marahil ay humahabi ng mga tula sa isip, nangangarap ng paglaya. Paglaya. Puro paglaya. Paglaya para sa mga kababayang ninakawan ng dangal. Paglaya para sa bayang paulit-ulit na ginagahasa ng mga sakim na dayuhan. Pero higit sa ano pa man, pinakamasakit na yata ang panggagahasa ng mismong kababayan. 


Lumalawig na ang hidwaan sa pagitan ng kagawaran ni Heneral Emilio Aguinaldo at Andres Bonifacio. Kaya naman ipinasiya ng Supremo na magtungo na sa Tejeros sa Cavite.

Pero hindi solusyon para sa ikapag-iisa ng nagkukumawalang bayan ang sumalubong sa kaniya doon kundi pangmamaliit, pangungutya at pangyuyurak sa kaniyang pagkamaralita. Hindi matanggap nilang mga Ilustrado, yaong mga nakapag-aral sa Europa at nagmula sa angkan ng mga buena familia, na isang dukha, isang maralitang ulila ang mamumuno sa kanila.

Kaya sa katanghalian ng araw, doon sa damuhan sa kabundukan ng Maragondon, bumagsak ang duguan at naghihingalong katawan ng Supremo. Binaril kasama ng kapatid na si Procopio sa utos ni Aguinaldo. 


Sa unti-unting pagbagal ng hininga at pagbulong ng puso, sa patuloy na pagdaloy ng nagngangalit na dugo, sa hinuha ko’y tumatakbo ang samu’t saring larawan sa isipan. Mga bayonetang naghuhumiyaw. Silid-aklata’ng nakapinid. Bahid ng dugo sa tabak. Panaghoy ng walang hanggang gabi. Katahimikan. Aling pag-ibig pa…

Ah karahasan. Ah kalayaan. Mahigit isang siglo na ang lumipas, umuulit-ulit lang ang mga kwento ng panggahasa, kataksilan at kabuktutan sa damuhan ng aking bayan. Patuloy na pang-aalipin. Patuloy na pagka-gapos.

Pero higit sa ano pa man, sa paulit-ulit na pagka-bihag, sa paulit-ulit na kabiguan, paulit-ulit din ang pagbangon. Ganito na nga siguro tayo. Patuloy na lumalaban. Patuloy na haharap sa kinabukasang walang katiyakan. Araw-araw na pagbangon. Araw-araw na pakikipagsapalaran, paghahanap at pakikipag-tagisan. Walang hanggang himagsikan na pag-ibig lang ang tanging sandata.

Pareho-pareho man ang mukha ng trahedya, kahirapan at kawalang-hustisya, sa pagtatapos ng araw, sa paglatag ng dilim at sa muling pagbangon ng araw, mababanaag pa rin ang luntiang mga ngiti sa masalimuot na damuhan. Mukha ng pag-asa. Mukhang hindi lumuluhod sa kapalaran. 

Nitong nakalipas na taon, buwan ng Hulyo, isang bagong silang na sanggol ang natagpuan sa isang damuhan sa General Santos City. Tila isang sirang galunggong na itinapon ng kung sino.

Nakalulungkot na kwento. Pero naisip ko, hindi mapipigilan ng kawalang-awa ng kaniyang mga magulang ang kaniyang paglaki. Posibleng namatay na sana siya doon pa lamang sa damuhan. Posibleng sa pagluwal pa lang sana sa kaniya ay binawian na agad ng buhay. Pero hindi.

Dahil dito, yayabong siya’t lalaki tulad ng karaniwang tao. Tatahakin ang madidilim at masusukal na eskinita ng buhay. Tatawa. Iiyak. Mabibigo. Magtatagumpay at lalaban. Iibig. Isang bagong nilalang na magpapatuloy ng pakikibaka dito sa damuhang lupain daw ng matatapang.

Misteryoso ang damuhan. May kung anong lihim itong kinukubli na sa bawat pagsayaw ng mahahaba’t maninipis nitong dahon, sa mahinhing ihip ng hangin ng tag-araw, tila nagbabadya, nagpapahiwatig ng kagustuhang magsiwalat, magkwento, awitin ang mga panaghoy na minsan nitong narinig at nasaksihan sa paulit-ulit na paglakad ng panahon. Natutuyo, nilulunod ng nakabibinging ulan at namamatay saka muling yayabong para hagkan ang nag-aalab na araw, dala-dala ang mga ala-alang larawan ng nakalipas.

_________
Ang “Doon po sa damuhan” ay isang uri ng malayang pamamahayag at piyesang lahok sa “Bagsik ng Panitik” ni Bino ng Damuhan.com. Lahat ng impormasyong nakalahad ay pawang lehitimo, kinuha sa mga ulat ng ABS-CBN News at ilang libro ng kasaysayan. Para sa eksaktong source ng mga impormasyon, makipag-ugnayan lamang sa may akda sa pamamagitan ng desoleboy@yahoo.com

__________
Apologies to readers of this blog who are not familiar with the Filipino language. I will be writing in the usual English entries after this. Thank you. 

13 reaction(s):

Bino said...

salamat sa paglahok :)

Mac Callister said...

Naku waging wagi ito! Andaming laman na kwnto na nakakalungkot...nabalitaan ko yun kwnto na yun ng batang galing sa school na hinahanap ng magulang niya...kalungkot

Nate said...

PAK!!

Wilberchie said...

hands down!!! kalerkeylerks!

ZaiZai said...

napanuod ko sa news ang tungkol kay "jenny" sobrang nalungkot ako para sa kanya, at sa kaalamang isang 13 year old na bata ay kayang gumawa ng ganun sa kanya.

~ JaY RuLEZ ~ said...

ang galing! Ikaw na erik!

RoNRoNTuRoN said...

sumakit yung dibdib ko at nalungkot ako ng sobra. huhu. :(

Ester Yaje said...

FTW! I hope you can read this. First, i didn't post this comment for this specific article. Rather, i want to react on your "what they say about the Desole Boy" corner. About this one, "This blog opens up my mind to certain things that is beyond my imagination."
-according to Ester in her comment for a certain piece I've written.

I think that Ester was me. Hahaha. I'm touched! And to add to that kind of feeling, i'm also amazed. Gosh, 23 ka pa pala? Ikaw na! Though, kuya ka parin kasi i'm turning 22. Let's be friends. Idol na kita sa English writing!

Jerro Santos said...

Totoo. Kung nakapagsasalita nga lang ang mga damo...

pointlessparanoia said...

Mahusay!

YOW said...

Wow. Wala akong masabi. Ang husay husay mo talaga Kuya DB. Good luck!

BON said...

bagsik ng panitik!! =)

Dahn Jacob said...

Nagbasa. Humusga. Humanga. Good luck sa entry.

 

Copyright © 2010 Désolé Boy | Blogger Templates by Splashy Templates | Free PSD Design by Amuki