Sunday, March 27, 2011

Paalam, hanggang sa muli

Ikaw na bayan ng mga magigiting, ng mga sampagang kay yumi, lupain ng Silanganing pangarap. Ikaw na pinagmumulan ng mga sundalong unipormado ng dasal, mga sundalong nagmamartsa sa mga tulay na lupa ng karagatan, gumagawa ng mapa ng pagkamit, armado ng mga larawan at ngiti, pinatatapang ng gutom at kamangmangan.

Sa ilalim nitong nagdidilim na langit, mula sa pulang lawin hanggang sa aandap-andap na dilaw na araw, patuloy ang paghabi ng mga samu’t-saring kwentong dumadaan sa iisang imprentahang nagmumura ng lintik. Nilulunok ang laway bilang pamatid uhaw; patuloy na lumalakad upang marating ang kawalan.

O pangarap. Pangarap ng de-kuryenteng gasera na walang nakasusulasok na usok na nanunuot sa tungki ng ilong. O pangarap. Pangarap ng de-susing manika, ng ma-kremang hamon, ng mamula-mulang keso de bola at kalesang may makina na pinatatakbo ng hanging amihan. O pangarap.

Humudyat na ang kampana ng kamatayan, kasabay ng imno ng kalayaan sa kumpas ng mga dumadagundong na sasakyan ng Edsa. Hayaan mong umawit ang mga uwak ng kanilang pasasalamat. Hayaan mong bilangin ng aking rosaryo bawat butil ng tadhanang dapat sana’y nanging mga oyayi’t kundiman. Taniman ng rosas ang nagyeyelong kumunoy. At sa mga mamula-mulang niyebe, ibulong mo ang biro ng pamamaalam kasabay ng isang awit sa himig ng pasyon.

Sa muling pagsasama-sama, iinom tayo sa saro ng dugo ng pagkabigo, pagtataksil at pagkukunwari. Tatawanan natin ang mga pang-aalisputa ng mga enkanto't diwata. Sasayaw tayo sa ibabaw ng mga gusaling binubuo ng mga palapag ng pagpapatawad.

Araw lamang ang lulubog. Araw lamang ang mamamaalam. Ano mang sikip ng mga eskinita’t lansangan, may tala pa rin ng pag-asang pinakikislap ng pag-ibig at paghamon. Ito pa rin ang parehong langit. Ito pa rin ang parehong buhay.

At sa araw na yaon ng paglaya, mamanahin namin ang  mga luhang hindi lumuhod sa kapalaran. Muli, ilalagay namin ang aming mga kamao sa kaliwang dibdib para sa bayang nilisan at marahil tunay ngang bumigo.

Paumanhin sa inyo, mga biktima ng pulang buwan. Sa katapusan ng isang madilim na bukang liwayway, nawa’y mabatid ninyo na minsan…may isa, dalawang pusong nakinig sa inyong mga kwento. Mga kaluluwang nakababatid na minsan, may mga matapang na sundalo mula sa isang bayang dating tinawag na Perlas ng Silanganan na nangarap hanapin ang buntot ng bahaghari sa lupain ng ilusyon at pantasya.

Mananalangin ako hanggang sa huli. Mananalangin kami.



___

Para kina Sally Ordinario-Villanueva, Ramon Credo, Elizabeth Batain, sa kanilang mga mahal sa buhay, sa daang-libong mga manggagawa sa ibang bansa, sa mga kapwa ko Pilipinong nananatili sa ilalim ng isang bandilang nakagapos at sa bayan kong minsa'y naging Lupain ng Pangako.
 

Copyright © 2010 Désolé Boy | Blogger Templates by Splashy Templates | Free PSD Design by Amuki