Thursday, October 14, 2010

My Series of Comedy: Purgatorio

Sa panahong tila ang lahat ay nanlilimos ng pag-ibig bagama't kataka-takang karamihan pa rin ay bigo, hayaan nyong bahaginan ko kayo ng isang kwento na nagpasalin-salin na sa bibig ng aming angkan. Isang lumang kwentong galing pa sa aking mga ninuno. Oo, kwento ito ng pag-ibig. Kwento ng pag-ibig na parang hindi naman talaga. Matapos mong basahin ang kwento, pwede kang sumang ayon na kwento nga ito ng pag-ibig. Maaari din namang hindi. Basta isa ang alam namin. Ito ay kwento ng pag-ibig.


para sa mga may alinlangan
___

Kung ikaw ay ka-barrio ng mag-asawang Joselito at Armida, siguradong wala kang maipipintas sa pagsasama ng dalawa. Si Joselito ay masipag maghanapbuhay. Nangingisda sa gitna ng laot sa bawat gabi. Si Armida naman ay larawan ng butihing maybahay. Nagtatahi siya ng mga sirang lambat sa umaga bilang pandagdag sa kita ng asawa.

Ngunit may mas malalim pang kasaysayan kung bakit hanga sa pag-iibigan ng dalawa ang kanilang mga ka-barrio.

Araw ng Linggo nang pagtagpuin ng kapalaran ang kanilang mga landas.

Sa hindi rin niya maipaliwanag na kadahilanan, may kung anong pang-akit kay Joselito ang malansa-lansa at maalat-alat na tuyong hangin na dulot ng dagat. Hilig nyang maglakad-lakad sa buhanginan. Ang hilig na ito ang nagdala sa kaniya kay Armida. Nakatanaw na nakaupo sa may pondohan ng mga bangka ang dalaga. Ang mapula-pulang dampi ng papalubog na araw at ang mahinhing pag-ihip ng hangin sa buhok nito ay lalo pang nagpatingkad sa taglay nitong kagandahan. Sa pagkakatitig ng dalawa sa isa't-isa, nagsimula na silang humabi sa isip nila ng isang kasaysayang magtatampok sa kanilang pag-iibigan.

Sinuway ni Joselito ang pamilya. Hindi siya sumama sa planong paninirahan nila sa New York. Kung gayon lumayas ka na. Wala na akong anak na lalaki simula ngayon! galit na wika ng ama ni Joselito. Si Armida naman ay ulila ng lubos at nakikipanirahan na lamang sa mga kamag-anakan.

Mahal kita. Ang mga katagang lalong nagbigkis sa magkasintahan. Hindi nagtagal nagpakasal ang dalawa at nagsimulang mamuhay ng payak doon sa may tabing dagat.

Sa mag-iisang taon na pagsasama ng dalawa, naging mabait ang tadhana sa kanila. Wala silang pinag-awayang mabigat na bagay. Wala problemang hindi nadaan sa mga katagang Mahal kita. Ang kulang na lamang talaga sa kanilang pagsasama ay mga anak. Hindi naman nakapagtataka iyon kahit pa sa mga tsismosang taga-Barrio. Paano'y gabi kung pumalaot si Joselito. Sa umaga nama'y tulog ito habang naggagawa ng lambat si Armida.

Ngunit tadhana na ang gumawa ng paraan. Ayon sa transistor nila signal number 3 sa mga lalawigan ng Laguna, Cavite at Batangas...pinapayuhan ang lahat lalo na ang mga mandaragat na huwag pumalaot at manatili na lamang sa kani-kanilang mga bahay. 

Bagama't malakas ang hampas ng ulan at hangin na dulot ng bagyo ng gabing iyon, masayang naghapunan ang mag-asawa. Masaya ding sinariwa ang ala-ala ng kanilang unang pagkikita at ang mga plano nila sa hinaharap. Hanggang sa magpasya na silang magpahinga. Nagtapos ang gabing iyon sa mga katagang Mahal kita ng walang nangyayaring pagsisiping.

Mag-aalas tres ng madaling araw, naalimpungatan si Armida sa pagkakatulog. Gayon na lamang ang hilakbot na naramdaman niya ng mapansing basang-basa ang higaan nilang mag-asawa. Amoy na amoy ang lansa sa kanilang sapin at kumot, paano'y hindi lamang basa ang higaan. May mga nagkalat pang mga kaliskis!

Agad ginising ni Armida ang asawa. Anong nangyari? Maski si Joselito ay takang-taka't hindi maisip ang paliwanag sa hiwaga ng basang-basang sapin at kumot na may kasama pang mga kaliskis.

Ipinagpasya na lamang ng dalawa na ipagikibit-balikat ang pangyayari. Maaari daw na sa lakas ng bagyo, pumasok sa bintana ang tubig dagat na dala ng malakas na hangin kasama ang mga kaliskis na nagsabit sa mga lambat sa labas.

Ngunit ng sumunod na gabi, ganun na naman ang nangyari. Naalimpungatan na naman si Armida at nakitang basang-basa na naman ang kanilang sapin at kumot. May mga kaliskis paring nagkalat.Takang-taka man ang mag-asawa, wala naman silang magawa kundi isiping bunga pa rin ito ng malakas na bagyo.

Kinagabihan, hindi pa rin nakapangisda si Joselito. Kasagsagan pa rin kasi ng bagyo. Hatinggabi na ngunit gising na gising pa rin si Armida. Kaya't gayun na lamang ang pagkagulat niya ng biglang tumayo sa higaan ang asawa. Tinawag niya ito sa pangalan. Mahina sa simula, papalakas sa bawat muling pagtawag. Joselito. Joselito. Ngunit tuloy pa rin sa paglakad si Joselito. Nakapikit na tila nananaginip. Joselito Joselito. Nakalabas na ng bahay nila si Joselito ngunit patuloy pa rin ito. Joselito. Joselito. Lumabas na rin ng bahay si Armida at sinundan kung sa'n patungo ang asawa. Joselito Joselito. 

Nang marating ang dalampasigan, huminto nga si Joselito. Sa pagkakataong nasayaran ng tubig ang mga paa nito, bigla itong napaupo hanggang sa tuluyang mapahiga. Nakapikit pa rin at tila nananaginip lamang. Lalapitan na sana ni Armida ang asawa ng biglang nagbagong anyo ng mga paa nito. Unti-unti, tinubuan ito ng mga kaliskis. Papakapal ng papakapal hanggang sa hindi na rin makita pa ang mga binti at hita nito. Sa paa nama'y biglang tumubo ang isang malaking buntot gaya ng sa isda. Takot na takot si Armida. Hindi malaman ang gagawin kung tatakbo ba o lalapitan ang nagbabagong anyong asawa. Pumasag-pasag ang buntot nito. At maya-maya pa, tila hinihilang dumausdos papunta sa dagat si Joselito. Unti-unti, hanggang sa tuluyan ng nilamon sa kailaliman ng karagatan.

Joselito. Joselito. Umiiyak na tawag ni Armida sa asawa. Joselito Joselito. Umaasang muling lilitaw ang asawa't lalabas na isang biro lamang ang lahat. Joselito Joselito. Huling pagpalahaw pa't walang dumating na Joselito.

Umuwing luhaan si Armida. Hindi na nakatulog at naupo na lamang sa may tabing bintana habang patuloy pa rin ang malakas na ulan. Nakatanaw sa may baybayin, umaasang muling iluluwa ng dagat ang pinakamamahal na asawa.

Hindi nga nabigo si Armida. Alas dos y medya ng madaling araw, natanaw nyang papalapit sa kanilang bahay ang asawa. Nakapikit pa rin na tila naglalakad ng tulog. Wala na ang buntot. Mayroon na uling mga paa. Nang makapasok ay walang anu-anong nahiga na lamang sa kanilang higaan. Doon nasagot ang kaniyang mga pagtataka. Sa paghiga ni Joselito, naglaglagan ang ilang mga natitira pang kaliskis sa mga binti nito. Basa ang damit at katawan nito kaya't nabasa rin ang sapin at kumot.

Dali-daling ginising niya ang asawa. Sa salit na mga hikbi't pagyapos dito, inilahad nito ang lahat ng nasaksihan. Kung paanong tila naglalakad ng tulog itong pumunta sa may tabing-dagat, nagbago ng anyo at nilamon ng karagatan. Hindi makapaniwala si Joselito sa narinig. Anong gagawin natin? alalang-alalang tila nagpapasaklolo din na wika niya sa asawa.

Buo na ang isip ni Armida. Walang maaaring makaalam nito. Sa darating na gabi, may plano na siya. Gagawin niya ang lahat mapigilan lamang ang asawa na lumapit sa dagat.

Ikatlong gabi, bumabagyo pa rin. Malakas na tila sumisipol ang hangin at ang hampas ng ulan ay tila nagngangalit. Nakatarangka na ang mga bahay. Magkatabi nang nakahiga sa papag ang mag-asawa. Halos wala silang imikan. Walang anu-ano'y hindi lumilingon na nagsalita si Joselito. Mahal kita. Hindi na naitago ni Armida ang pag-aalala. Lumuluhang yumapos sa asawa sabay sabi ring Mahal kita. Sa puntong iyon, unti-unting hinila ng antok ang dalawa at napaanod sa himbing ng pagkakatulog.

Gayon na lamang ang pangamba ni Armida ng magising. Wala na sa tabi niya ang asawa. Pasado alas-dose na noon. Dali-daling nagsuot ng panyapak at humahangos na sinuong ang ulan, sa isip ay tiyak ang patutunguhan. At hindi nga siya nagkamali. Narooon sa may buhanginan, sa tabing dagat, nakahiga na namang tila walang malay ang asawa. Unti-unti ng kumakapal ang mga kaliskis sa hita't binti nito. Walang anu-ano'y naglaho na ang mga paa nito't napalitan ng malaking buntot na gaya ng sa isda.

Joselito. Joselito. Said ang lahat ng tapang na meron siya, hinila niya ang asawa sa dalawang mga kamay nito. Tuloy naman ang pagdausdos ni Joselito patungo sa dagat. Nakipagtagisan si Armida ng lakas sa kung anong pwersang hindi naman niya nakikita. Humahampas na sa mukha niya ang pinaghalong tubig ulan, tubig dagat at malakas na hangin. Hindi siya papayag. Hindi siya papayag na lamunin muli ng dagat ang asawa. Paano kung hindi na ito muling magbalik?

Ngunit nanaig ang pwersa ng karagatan. Nilamon ng gayon na lamang si Joselito.

Nanghihinang napaupo na lamang si Armida sa buhanginan. Pumapalahaw na tinatawag pa rin ang pangalan ng minamahal na asawa maski hindi tiyak kung naririnig pa ba nito. Tumingala siya sa langit na tila ba naghahanap ng sisisihin. Ang sarili ba? Ang dagat? Ang buhangin? Ang bagyo? O ang mga tumubong kaliskis at buntot sa asawa?

Maya-maya pa'y isang tinig ang kaniyang narinig. Hindi na magbabalik pa ang iyong asawa Armida. Nagulat man ay napalingong hinanap ang pinanggalingan ng tinig. Sino ka? Sa kabila ng takot ay nakuha pa ring magsalita. Hindi na mahalaga kung sino ako. Ang mahalaga ay ang sinasabi ko sa 'yo. Hindi na babalik ang asawa mong si Joselito. 

Sino ka? Nasan ang asawa ko? Ibalik nyo ang asawa ko. 
Hindi na babalik ang asawa mo. 
Joselito. Joselito. Nasan ka?
Bahagi na ngayon ng karagatan ang asawa mo. Hindi na siya babalik pa. 
Kinuha nyo sa 'kin ang asawa ko. Ibalik nyo sya. Joselito. Joselito. 
Nagpasya na rin ang asawa mo. Hindi na siya babalik pa. Paalam. 

At naglaho ng gayon na lamang ang tinig.

Kinaumagahan, wala na ang bagyo. Masikat na ang araw at payapa na muli ang dagat. Natagpuan na lamang si Armida na mag-isang umiiyak sa dalampasigan. Tinatawag pa rin ang pangalan ng asawa. Paulit-ulit. Walang sawa. Tila wala sa isip na nakatanaw lamang sa malayo habang walang tigil ang pamimisabis ng luha.

Ang sapantaha ng mga taga-barrio, sinuong ni Joselito ang bagyo upang mangisda ng nagdaang gabi. Maaaring sinawing palad, lumubog ang bangkang pangisda at di na nakabalik pa. Tanggap na nila ang istoryang ito bilang bahagi ng buhay nilang mga mangingisda. Isang mapait na katotohanang, kasinungalingan naman para kay Armida.

Sa mga darating na panahon, magiging normal na tanawin na sa barriong iyon ang isang babaeng nakasalampak sa may dalampasigan. Paulit-ulit na umuusal ng isang pangalan na sinasalitan ng mga katagang Mahal kita. Habang sa isip ay patuloy na isinusumpa ang mandarayang dagat na nagnakaw ng kaniyang pag-ibig.


WAKAS
____

click here for My Series of Comedy: Inferno
____

"O ye spirits purified, 
you may not enter by this stair
except the fire hath licked you.
Through its flames ascend 
heeding the chant beyond."
-The Divine Comedy - Purgatorio by Dante Alighieri

5 reaction(s):

orally said...

i've been waiting for this installment.
it's quite different but interesting story just the same.
let's see what you have for paradiso

wv:untig (nakaka-untig ang kwento)

my-so-called-Quest said...

ang lungkot naman. :(

some things are not meant to be with us. and some things are not to meant to stay with us for that long.


bat kasi hindi pa summa sa NY e. heheh

shenanigans said...

OMG! ang haba,, next time ko na basahin pag mas marami time.. sorry

toffer said...

DB!!! natawa ako at binasa talaga ng baby ko yung post mo kase merong mermaid2 stuffs...hehe

nice job..:)) naawa ako sa nalokang girl...sana di yun totoo..

dark_knight said...

Naligaw lang ako dito pero i love ur story. Im going to backread ur posts. Interesting!

 

Copyright © 2010 Désolé Boy | Blogger Templates by Splashy Templates | Free PSD Design by Amuki