Monday, August 30, 2010

tinatanaw

mainit. alam mong dapit hapon noon subalit ramdam ng bawat isang lumalakad sa eskinitang iyon ang singaw ng init na ibinubuga ng sementadong daan. dagdag pa ang panaka-nakang pagdaplis sa balikat ng makakasalubong mong kapwa minamadali ang mga hakbang, sabik na ilapat ang mga katawang bugbog sa maghapong tunggalian. 

maliwanag naman sana sa daang iyon kung bawat poste sana'y gumagana ang bumbilya. subalit hindi. ang isa nga'y aandap-andap na't tila ilang minuto na lamang ay tuluyan na ring bibigay.

sa mga gilid-gilid ay ang mga naipong tubig baha na syang langit ng mga lamok na nangingitlog at syang nagbibigay ng panaka-nakang mabahong amoy sa t'wing iihip ang tuyong hangin. na siya namang sinasalitan ng mga plastic na basurang pinaghalo-halong basong inuman, pinagbalutan ng chichirya at pinagsuputan ng kung anu-anong pinamili ng mga tao.

malayo pa lamang ay tanaw mo na sya. doon sa tabi ng apaw sa duming basurahan. sa saliw ng mga nagpipistang daga at ipis, dinig mo ang impit nyang mga pagluha. pilit na isinisiksik ang hubad na katawan sa konkretong pader at ng drum na ginawang tapunan. nakatalungkong yakap ang mga sariling binti. ang mukha'y basang-basa ng mga pinaghalo-halong luha, uhog at laway. tuloy pa rin ang kaniyang pagpalahaw. walang tigil. tila di napapagal.

ibinaling mo ang iyong tingin sa mga dumaraan. nandun pa rin ang mga mukhang nagmamadali. mga mukhang sabik sa pahinga. mga mukhang sabik sa solusyon sa kani-kanilang problema. mayro'n ding mukhang blangko. sa mabilisang pagmamasid mo sa kanila, batid mo na agad na di nila pansin ang hubad na batang lalaki sa tabi ng basurahan. tinanong mo din sa sarili mo, sadya kayang di nila napapansin ang paslit? o sila'y pawang mga nagbubulag-bulagan? nagbingibingihan? o minanhid na ng araw-araw na pagdaan doon, sumasaksi sa araw-araw ding pagpalahaw ng hubad na batang lalaki?

doon lalong nagpalahaw ng iyak ang bata. namimisabis ang daloy ng luha't sipon sa kaniyang munting mukha. taranta ka nang nagpalipat-lipat ang tingin sa bata at sa paligid, tila nagpapasaklolo sa kung sinong di naman makita. bumibigat na ang iyong mga paghinga. sinasabayan na rin ng paggitil ng malamig na pawis sa iyong leeg at likod. naglalakad pa rin ang mga tao. nabulabog ang mga dagang nagtatampisaw sa mga tira-tirang pagkain. dinig naman sa di-kalayuan ang hiyawan ng mga nagtatawag ng pasahero. maging ng tawaran ng di magkamayaw na tindero't makulit na mamimili.

gustong gusto mo na syang hawakan. gustong gusto mo nang haplusin ang mga braso nyang tadtad ng mga sariwang latay, gumuguhit ang mga natuyong dugong tila hapunan ng mga nakadapong langaw. ang mga paya't nyang hita'y balot ng mga putik habang nagnanaknak naman sa paa ang isang malaking sugat na tila kanina lang nalapat. paano'y sagana pang dumadaloy ang sariwang dugong amoy mo ang lansa.

yayakapin mo na sya. hindi mo na kaya. kumakatok na ang mga luha sa iyong mga mata dala ng matinding habag sa hubad na batang lalaking hindi mo naman kilala. tatawirin mo na ang estrangherong distansyang naghihiwalay sa inyong dalawa.

hahakbang ka na lamang sana ng ika'y nagitla. dinadaluyong ka ng napakatinding sakit. abot langit na hapding pumaparusa sa bawat kalamna't mo't sumusupil sa taglay mong lakas. tila nauupos na napaupo ka na lamang sa eskinitang iyon. dinuduwag ng kung anong pwersang hindi mo maipaliwanag, na kailanma'y di maaarok ng iyong kaisipan. laksa-laksang damdaming pagkalungkot, takot, kirot at hangad na pagkalimot.

habang pinagmamasdan mo ang hubad na batang lalaking patuloy pa din sa kaniyang pagpalahaw, natanto mo ang isang napakapait na katotohanan. hindi mo pala kayang hawakan ang paslit. hindi mo sya maaaring yapusin. at kailanma'y hindi mo sya malalapitan. dadaan ang lahat ng tag-ulan at tagtuyot, lumuha ka man ng dugo't sakmalin ni kamatayan, tatanawin mo lamang sa di naman kalayuan ang hubad na batang lalaking iyon. at doon, sa iyong pagtanaw sa kaniya, iyong mapapansin. halos sentro sa madungis niyang noo, isang munting pilat ang nagtatago. munting pilat na pamilyar sa iyo. munting pilat na alam mong iyo nang nakita dati pa at araw-araw mong nakikita. munting pilat na iyo na ngayong maingat na sinasalat.

tuloy pa rin ang salubungan ng mga taong naglalakad sa eskinitang iyon. marumi pa rin. mabaho. di alintana na sa gitna ng nagdudumaling mundong iyon, dalawang tinig na ang nagpapalahaw ng iyak. at doon na nagsimulang gumuhit ang nagngangalit na liwanag sa langit. sunod ay ang kaniyang malutong na mga pagmumura. at sumandali pa, nagsimula sa mga mumunting hikbi, pati langit ay nagsimula na ding magpalahaw.
___

Attachment and detachment
Hello and goodbye
The cycle of my life
Tell me
How often must I die?
-Maria Lourdes B. Abulencia

13 reaction(s):

ʎonqʎʇıɔ said...

ang lalim ng tagalog!

my-so-called-Quest said...

di ko rin maaraok ang tagalog. hehe
tara magbalagtasan na lang tayo! :P

Désolé Boy said...

haha. ganyan talaga kaming mga bulakenyo. dinadaan na lang sa pagiging makata.

Nimmy said...

palakpakan naman dyan!!! astig ka talaga DB!!! :)

orally said...

aw shet cancer of the nose din ako.

hope you are well DB.

soltero said...

hala, ngayon ko lng narinig yung salitang "namimisabis" ehehe...

:P

paci said...

at masasabi kong uno ito sa retorika. =)

hindi ko kayang magsulat ng ganito. talagang humahanga ako.

bakit nga ba madaming walang pakialam sa mundo?

Nicos said...

Alam ko..Pahabol to ni DB para sa Buwan ng Wika!

Désolé Boy said...

@paci..pano mo nahulaan?uno nga ako sa retorika.classmate yta tau eh..hehe


sa lahat ng patuloy na dumadaan, mrmng slmt..kau ang dahilan kung ba't d natutuloy ang plano kong burahin ang blog na 'to...mabuhay kayo!=p

Aris said...

binasa ko ito nang dahan-dahan. at ninamnam. :)

AkoSiMiguel said...

Hello :)

Thanks for liking my paglaladlad story :)

Nice blog.. Keep it up!

toffer said...

idol na kita..:))

yoshua said...

may linamnam ang iyong pagtatagalog..ipagpatuloy mo lang ginoo :)

 

Copyright © 2010 Désolé Boy | Blogger Templates by Splashy Templates | Free PSD Design by Amuki