Friday, June 11, 2010

Sa Bayan Kong Magdiriwang ng Kaniyang Kalayaan

My apologies on digressing from my usual entries here. I was tasked to do an Independence Day piece so I hope you'll allow me to share even a shorter version of it here. Thank you and Happy Independence Day!


Lumuha ka, aking Bayan; buong lungkot mong iluha
Ang kawawang kapalaran ng lupain mong kawawa:
Ang bandilang sagisag mo'y lukob ng dayong bandila,
Pati wikang minana mo'y busabos ng ibang wika, 


nagsa-submit ako nun ng application form sa PUP para makakuha ng entrance exam ng una ko silang makita. may mga dala-dalang placards. pintado ng kulay pulang pintura ang mga salitang buong tapang na umaalingawngaw, minumura ang sinumang mapapadaan at babasa. magkahalong mga babae't lalaki. mga nakatsinelas, may punit sa mga pantalon, radikal na pananamit. nagtatawag sila ng walk-out sa klase. taas kamaong nag-aanyaya ng pakikilahok. nawirduhan ako. natakot. nalibang din sa huli.

mababaw ang naging unang pananaw ko sa kanila. sila yung mga absent lagi sa klase. sila yung mga wala ng nasabing maganda laban sa mga opisyal ng pamantasan. lahat tinututulan. lahat may katapat na argumento. sabi ko, sila yung mga balang araw eh mamumundok, lalaban sa gobyerno. magiging pasakit. batik ng bansang lugmok na sa sinisismo.

salamat sa apat na taong inilagi ko sa pamantasang iyon, nahugasan kahit paano ang kaisipan kong balot ng pagkukunwari, kawalang-kapakialaman at kolonyalismo. unti-unti, naging katulad nila 'ko. silang mga nagtataas ng bandilang pula. silang umalohokan ng kamalian at kawalang-galang. sa bawat letra sa 'king papel, nabuhay ang init ng mga taong nagsama-sama noon sa Mendiola upang ilaban ang kanilang karapatan sa kapirasong lupang dinilig ng pinagsama-sama nilang dugo at pawis. binuhay sa mga awit ang mga paalalang sa bansang ang tuon ay nasa ihahaing pagkain sa kumakalam na tiyan, naroon ang ilang taong tahimik na sinusugpo ang pangkalahatang kagutuman. namasdan ko ang paglipad ng mga munting papel sa Paseo de Roxas, bumabasbas sa kapwa ko kabataang naghahanap ng kinabukasan, hindi sa mga pook pasyalan kundi sa lansangan.

Lumuha ka, habang sila ay palalong nagdiriwang,
Sa libingan ng maliit, ang malaki'y may libangan;
Katulad mo ay si Huli, naaliping bayad-utang,
Katulad mo ay si Sisa, binaliw ng kahirapan; 


sa kasalukuyang buwan ng pag-alala sa kasarinlan ng bansa, ang gobyerno daw ni Ginang Arroyo ay gagasta ng sampung milyong piso para sa ikagaganda ng pagdiriwang. napakalaking halaga para ilaan sa pagdiriwang ng kalayaang huwad. sa kalayaang pawang iilan ang nagtatamasa. sa kalayaang tila pangarap na lang sa karamihan.

kung malaya nga tayo, bakit kamakailan lang ay bigo ang kongresong mapagtibay ang Freedom of Information Bill dahil lamang sa kakulangan ng mga Konggresistang dumalo ng sesyon?
kung malaya nga tayo, bakit may mga bakla't tomboy na tinatanggal sa trabaho, tinatanggihan ng ibang paaralan at establisyimento habang patuloy na nililibak ng lipunan dahil sa kanilang kasarian?
kung malaya nga tayo, bakit hindi matapos tapos ang tunggalian ng relihiyon sa Mindanao? digmaang Pilipino laban sa kapwa Pilipino. kapatid sa kapatid. laman sa laman.

malaya nga ba tayo? may kalayaan bang talaga? nasaan na? papaano ba?

May araw ding ang luha moy masasaid, matutuyo,
May araw ding di na luha sa mata mong namumugto
Ang dadaloy, kundi apoy, at apoy na kulay dugo,
Samantalang ang dugo mo ay aserong kumukulo;
Sisigaw kang buong giting sa liyab ng libong sulo
At ang lumang tanikalay lalagutin mo ng punglo!


walang ganap na kalayaan. pero meron. gaya ngayon. malaya kong naisusulat ang pag-iyak ng aking mga letra. malaya akong ipabasa sa 'yo ang opinyon ko. isa tayong bansang may sariling pangalan. markadong teritoryo. may sariling pagkakakilanlan.

pero alipin pa rin tayo ng makabanyagang kaisipan. alipin ng kapwa Pilipino. alipin ng pagkamakasarili. alipin ng kani-kaniyang suliranin sa buhay. alipin ng kahirapan.

ang kalayaan ay patuloy na laban. hindi ito nagtapos noong iwinigayway ni Heneral Aguinaldo ang ating bandila sa Kawit. hindi rin sa pagwawakas ng ikalawang digmaang pandaigdig. lalong hindi sa pagpapatalsik kay Marcos sa pamamagitan ng People Power 1, at kay Erap sa tinatawag na EDSA Dos. higit sa lahat, hindi ngayong pagtatapos ng siyam na taong panunungkulan ni Gloria Arroyo.

patuloy sana ang laban. sa gitna ng hindi ganap na kalayaan, naroon ang mga mumunting layang pwede namang gawing sandata sa walang hanggang digmaang ito. maaaring sa lansangan, mga kabundukan, maging sa mga tanghalan. o dito sa gitna ng makabagong teknolohiyang atin nang ginagalawan.

sa ika-labindalawa ng Hunyo, marapat lamang na ipagdiwang natin ang tagumpay ng ating mga ninunong nagbuwis ng buhay para sa mumunting kalayaang ating tinatamasa sa ngayon. pasasalamat sa kanilang kabayanihang nagdulot ng samu't-saring damdaming pinupugon parin ng karamihan. at sa gitna nito, nawa'y ating magunita ang kanilang ini-atang na tungkulin. na ipagpatuloy ang laban. tuloy sa pagpapaalab ng sulo ng pagkamakabansa.

naniniwala parin akong may magagawa pa tayo. at habang may mga taong gaya mo at gaya ko, na patuloy na nangangarap...hindi napapagod sa tunggaliang ito ng katawan at isip. mararating din natin balang araw...ang pinangarap nating Pilipinas.

[Ang mga taludtod ng tula ay hinalaw sa "Kung Tuyo Na Ang Luha Mo, Aking Bayan" ni Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan Amado V. Hernandez]

3 reaction(s):

Mu[g]en said...

Wow makabayan ka pala! Na-inspire tuloy akong magsulat ng Independence Day post. Hehehe.

jp_cardinale said...

isang napakagandang katha kabayan! mabuhay ka! :)

SOLTERO said...

muli mong binuhay ang aking pusong makabayan....

mabuhay ka! bwahhaha :P

 

Copyright © 2010 Désolé Boy | Blogger Templates by Splashy Templates | Free PSD Design by Amuki